Bagama’t hindi nako aktibo sa sirkulasyon ng pang-estudyanteng publikasyon, hindi ko naman ipinipikit ang aking mga mata at mga sensitibong bahagi ng aking pandamdam sa ating lipunan sa kabila ng mga ugong ugong na balitang destabilisasyon at mga pakana na lumpigin ang kasulukuyang rehimen.
Oo’t malapit na ang naturang eleksyon, mga sampung buwan na lamang kung tutuusin. Ang MEDIA ay tutok din sa mga usaping pampulitika at tila baga nasa radar na ang mga pinipisil na kandidato sa pagkapangulo. Nakakairita kung tutuusin lalo pa’t kung pinapag-usapan ang “makinarya”- hindi ba ninyo pansin na parang bugok na itlog ang mga taga-mainstream MEDIA ukol sa paglalagay ng tunay na balita at pagpapasahimpapawid ng mga “isyu” na kung sana ay magsisilbing gabay sa bawat mamamayan sa pagtimbang ng katwiran at pagtuklas sa katotohanan.
Tila baga, mas mahalaga na ang “pagpasok ng salapi mula sa mga kita ng advertising” at nabahiran na ng nakakakuliting mantsa ang totoong paninindigan ng bawat MEDIA entity na kotohan ang mga taong nasa hapag ng mga anunsyong ito. Oo’t may kanya kanyang pakulo na “special coverage” ukol sa paparating na eleksyon at sa mga posibilidad na mga maaring maging pangulo ng bansa. Ngunit, ang mga kritikal na analysis ng mga “pangyayari” ay tila ba nakapako sa mga usaping napagsawaan na ng mga senador pagka’t pasong paso na ang balita para maiangat pa ang kanilang mga ratings sa national surveys. Kawawang mamamayan na pinaikut-ikot lamang para tutukan ang live coverage ng mga harapang pambabalahura sa ating dignidad bilang Pilipino at manipulasyon upang igawad ang sisi sa mga tao, listahan ng mga tauhan hanggang mauwi na naman sa wala ang hustisyang hinihingi at kasagutan para sa katotohanan. Hindi ba’t ganito rin ang tila circus na usapin ukol sa mga Marcoses?
Nakakainip, nakakabitin at nakakabinging katahimikan na may anas parin mula sa tangkang pagsasabago ng ating Saligang Batas Naroroon parin ang mga agam-agam ng madla… pagkat sa katatapos lamang na SONA ay hindi “tinuldukan”, ang noon sana ay pagkakataong sagutin ang nakakabahalang katanungan. At bakit ngaba tutuldukan ni PGMA kung ito ang magpaparaos sa kanyang motibo at uhaw sa matinding kapangyarihan? Kung meron sanang dapat idiin sa mga walang kabuhay buhay na leksyon sa klasrum ay ang pagpapaliwanag sa mga isyung totoo- ang katotohanan na ang bansang Pilipinas ay nasa Asya, na ang Pilipinas ay hindi lamang Kristianong bansa, na ang Pilipinas ay inaangkin ng mga makapangyarihang gumawa ng mga kasulatan at dokumento sa kabila ng diklarasyon ng kalayaan at pagdanak ng dugo ng mga itinuring na bayani at mga sinauna na naniniwala sa “batas ng kalikasan”…
No comments:
Post a Comment
What do you think?