Monday, April 12, 2010

Huling aksyon ng BPCI sa kaso ni Maria Venus Raj, isang hamon at hindi pagbawi sa naunang desisyon ng dethronement


Ano sa tingin ninyo ang maaring maging kahihinatnan ng isyu patungkol sa posibleng pagrereinstate kay Maria Venus Raj bilang opisyal na delegato ng RP sa Miss Universe?Ako’y may halong pananaw ukol sa balitang ito ng basahin ni Ricky Lo ang opisyal na liham mula sa BPCI. Maaring ang ilan sa ating mga sumubaybay sa isyung ito ay naka-focus lamang sa puntong karapat dapat naman talaga si Bb. Raj at ang BPCI ang nagkamali sa kanilang naging naunang aksyon nang i-dethrone ang naturang beauty queen. Hindi maikakaila na marami ng sumawsaw sa petisyon, marami ng nagalit at kumwestiyon sa paraan ng pagpili ng BPCI sa mga kandidata sa una pa lamang at samu’t sari na ang pinukol, kesyo may isyu sa kulay, racism, pagiging hindi makatarungan, etc. Marami naring mga nakisakay sapagkat kung nasaan ang “masa”, naroon din sila, “taking advantage of the situation for their own motives but neither reaching a hand to help clear the situation.”Sa ganang akin, ang liham ay nagpapahiwatig ng hindi pagbawi sa kanilang naunang aksyon kundi ito’y isang “paghamon upang hukayin ang ugat”. Sapagkat, ang BPCI ay wala sa posisyon para ibigay ang linaw sa totoong estado ng nationalidad (citizenship) ni Ms. Raj. Kung kaya’t nais ko lamang pong ilahad sa diskusyon ang punto: Maaaring si Ms. Raj ay nasa kategorya ng Person of Indian Origin/Non-resident Indian (na maaring sa puntong ito’y hahalukayin din ang estado ng pagkamamayanan ng kanyang ama). Eh ano naman kung nabibilang siya rito? Ang nalalaman lang kasi natin ay Indian National ang kanyang ama ayon sa mga naging pahayag sa kanyang kampo. Subalit, kailangan kasing magkaroon ng “linaw” kung ano rin ang totoong estado ng pagkamamamayan ng kanyang ama upang maging malinaw kung ano nga ba ang magiging basehan ng mga kinaukulan sa kaso ni Ms. Raj. Maaaring sa imbestigasyon ay maungkat din ang estado kung papaano nakauwi ang kanyang ina noong mga nahuling panahon nasa Qatar ito. Lahat ng mga signipikong detalye rito ay lubhang napakahalaga sa imbestigasyon para ang mga kinaukulan ay mailahad ang “tamang legal na pahayag sa naturang isyu ng pagkamamayan ni Ms. Raj” at anu ano ang kanyang mga karapatan at pribilehiyong nakalahad ayon sa kanyang pagkamamayanan. Matatandaan natin na masalimuot ang sitwasyon ng mga batang ipinapanganak sa puntong maglalagay sa kanila sa pagiging “illegitimate”, at sa aking pananaw, napakasakit ang mga katotohanang ito (Ito ay realidad na nakaukol sa usaping batas). Kung matatandaan natin ang mga nabubuntis o nagkakaanak sa middle east na naipalabas sa balita o dokumentaryo, maiintindihan ninyo ang aking nais ipahayag.Ngunit, ang natitirang matibay na puntos kay Ms. Raj ay ang pagiging Pilipina ng kanyang ina (Subalit kung nakasal ang kanyang mga magulang ay maaring ito’y magdulot ng karagdagan pang aberya.). Samakatwid, maaring dito huhugutin ang lakas ng kanyang kaso lalung lalo na na si Ms. Raj ay lumaki at pinapatunayan ng marami ang kanyang paglaki sa Albay. Hindi kuwestyon ito. Subali’t maaring naging basehan ng kumplikasyon ng BPCI ang naunang parapo na aking binanggit kung kaya’t pinatitibay ang kanila noong naunang pahayag na, “misrepresentation” (base rin sa hindi magkakatugmang impormasyon sa birth records) na nagdulot sa desisyong dethronement. (Gusto kong linawin na ito’y sa aking analysis lamang at hindi ko inaari na ito ang opisyal na pahayag). Kung kaya’t nabanggit kong isa itong “hamon” sapagkat sa pamamagitan ng pagkuha ng pasaporte maaaring mabungkal ang mga isyung yaon at ang legal na pahayag mula sa mga autoridad ay ang siya lamang makakapag-alis ng ating mga pagdududa. Ang nakakabahala nga lamang, ay kung ang kalalabasan nito ay magpapalakas sa posisyon ng BPCI na tama ang kanilang naging naunang desisyon. At ang kanilang sulat, ay isa lamang mekanismo upang hamunin ang posisyon ni Ms. Raj sa kanyang hinaing. Mula sa nakikita ng marami, ang paglabas ng opisyal na pahayag ng BPCI ay pagpapakita na sila ang nagkamali. Pero kung susumain at iintindihin, ang sulat ay pagbibigay-daan sa direksyon kay Ms. Raj upang bungkalin ang mga katotohanan sa bahagi ng kanyang pagkatao. Hindi ito kwestyon kung siya ay karapat-dapat na delegado ng RP. At nawa, ang BPCI ay balasahin/baguhin ang kanilang mga pamantayan ng hindi nalalagay sa kahihiyan/alanganin ang ating mga dilag na ang nais lamang ay itayo ang karangalan ng ating bansa sa pamamagitan ng mga patimpalak ng kagandahan na sa huli’y buong bansa ang siyang makikinabang.